Pagod na pagod na ako sa buhay kong ito. Problema, punong-puno ng problema. Minsan naisip ko, sana marami na lang akong pera. Pera na puwede kong magamit sa lahat ng kailangan ko sa buhay upang mabuhay dito sa mundo. Napakamapaglaro talaga ng kapalaran. Sa hilig niyang maglaro, ako ang paborito niyang paglaruan. Bakit ganoon? Ang hilig kong mapaglaruan ng kapalaran, ng tao, ng pagkakataon? Sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit ako pa?
Lahat ng tao sa buhay ko, pinapahalagahan ko. Ngunit mabibilang lamang sa kanila ang pinahahalagahan din ako. Akala ko ba "Give and Take". Nagbibigay naman ako. Pinahahalagahan ko naman sila, bakit hindi nila ako magawang pahalagahan? Kung sino pa ang mga taong sobrang pinahahalagahan mo, sila pa 'yung magpaparamdam sa'yo kung gaano ka kawalang halaga sa kanila. At kung sino pa ang mga taong hindi mo napapansin, sila pa ang nagbibigay ng higit na importansiya sa iyo.
Pag-aaral, isa sa mga importanteng bagay sa buhay ko. Marami kasi akong pangarap at alam ko na sa pamamagitan lang ng edukasyon, makakamtam ko ang aking mga pangarap. Kahit na anong balakid, kaya kong lagpasan sa abot ng aking makakaya. Ngunit paano kung ang balakid ay kinakailangan na ng milagro? Makakaya ko pa rin ba? Kakayanin ko pa rin ba?
No comments:
Post a Comment