Ang tadhana ay sadyang mapaglaro. At ang kanyang paboritong laruan ay ako. Pagbabalat-kayo, iyan na ata ang aking abillidad. Sa likod ng mga matatamis na ngiti at halakhak, nakakubli ang mga luhang naipon na hindi kayang iluha sa harap ng madla o kahit sa harap lamang ng salamin. Manhid, ang katangiang nagtatago sa aking kalooban. Sa dami ng emosyong aking nararamdaman, tila wala na akong maramdaman dahil sa sobrang sakit, sobrang hapdi, sobrang lungkot, at sobrang saya ko. Hindi ko na maintindihan ang aking sarili, saan na ba ako lulugar sa mundong ito? Isang malaking tanong sa aking kamangmangan. Sa aking kamangmangan, hindi ko kayang sagutin ang napakadaling tanong. Sa unang sulyap, maaaring madaling tanong nga ito, ngunit habang lumilipas ang mga buhangin ng oras, ito'y unti-unting sumisira sa aking isipan at damdamin. Patuloy sa panggugulo ng aking diwa na ang tanging nais lamang ay maging mapayapa.
Ang mga kaibigan ay kayamanan. Kayamanang dapat naman talagang pag-ingatan. Noong una ay pawang mga batong pinulot sa lugar na hindi pamilyar sa ating paningin. Mga bato na naging makikinang na dyamante sa paglipas ng panahon. Sa init ng apoy nahubog at nakurba ang napakagandang dyamante. Apoy na nagsisilbing panahon, mga pagsubok at masasayang alaala na nagpatibay sa samahan. Ngunit hindi lahat ng bagay ay kaya mong sabihin sa iyong kaibigan.
Mga problema, sinasabi nilang nagbibigay kulay sa ating mga buhay. Kulay na magiging matingkad kung ito'y ating paghuhusayan. Mga kulay na ating makikita sa kalangitan kung ang paraan ng pagkukulay ay ating paghuhusayan.
No comments:
Post a Comment