Thursday, July 22, 2010

PEKLAT O PEKLAT KAY HIRAP TANGGALIN

Peklat ng kahapon, bakit sadyang kay hirap tanggalin. Lamat na kay hirap ayusin. Bakit ba kay hirap mong tanggalin. Ilang beses na ba aking nadapa. Kay raming peklat ng kahapon ang nakaguhit sa aking balat ng hinaharap. Ayoko na sanang sariwain ang mga peklat ngunit bakit sadyang hindi maalis na manariwa ang mga sugat na pinatuyo ng panahon. Lubog na lubog na ako sa mundong hindi ko kayang sabayan. Ako'y isang maliit na payaso na naaapakan ng marami ngunit karamihan sa iba ay hindi namamalayang nakakaapak na. Sadya bang napakaraming manhid sa mundong ito? Ako'y payasong gustong tumawa at magpatawa ngunit bakit ngayo'y mas gusto kong mapag-isa at makapag-isip. Tama ba ang lahat ng aking desisyon? Ayokong magssi sa huli ngunit may mga bagay na dapat pagsisihan upang tayo'y matutong magsimulang muli.
Hindi na tayo makapagsisimula ng panibagong panimula, ngunit makapagsimula ng bagong katapusan. Katapusang maghahatid sa atin sa panibang simula ng ating buhay. Marahil ay nagssimula pa lamang ako'y kasanayan ang mga bagay na dapat kong kasanayan. Hiniling ko na sana'y makasanayan kong makasanayan ang mga makamundong bagay upang makasabay sa agos ng buhay. Ngunit naisip ko na sana ay hindi ko na lang hiniling at ginusto dahil hindi ko na alam kung paano ko tatapusin ang ilusyong aking hinuha sa isipang masasabi kong bata pa sa mga bagay na hilig ng isang makamundong tao. Minsan, nahihirapan na akong sabayan ang agos ng mundo, kay hirap sabayan nito.
Hindi talaga ako ito, hindi ako ganito kumilos. Hindi ko na makontrol ang aking emosyon. Marahil, hindi pa ako sanay sa mga taong aking nakasasalamuha. Isa na lang ang hinihiling at ginugusto kong mangyari, ang makatapos ng pag-aaral. Kay daming bagay ang nasa isip ko ngayon. Puro palamuti na hindi naman kinakailangan. Kapayapaan lang ang hiling ng aking pagkatao upang makapaglayag sa mundong napakaraming piratang maaaring maging sagabal sa pagkuha ko ng aking mga kayamanan.

MAKAMUNDONG PAGKABAHALA

Ako'y nababahala sa mga posibilidad na maaaring mangyari. Ang hinaharap ay pinalamutiang nakaraan lamang. Kaya ako'y nababahala. Bakit? Dahil maaaring maulit ang nakaraan. Hindi ko inibig ang ilan sa aking nakaraan dahil may mga pagkakataong ako'y nadapa at minsan ding nasubsob sa putik ng kasukdulang pagkabigo. Ngunit naglalaro sa isip ko na maaaring maulit din ang mga bagay na nagpinta ng mga ngiti sa aking mga labi. Mga pangyayaring nagpakulay ng husto sa blangkong mundo ng aking sarili. Mga taong naging inspirasyon upang magpursiging ako'y magpatuloy sa mundong walang katiyakan.
Gumugulo sa aking isipan na talagang hindi maalis sa aking hinuha. Bakit nga ba ako nandito? Bakit ko piniling lumagi sa gusaling pakiramdam ko ay hindi ako nabibilang. Sadyang napakamapaglaro ng tadhana, paborito talaga akong laruan ng kapalaran. Mabait din naman siya dahil pinagkalooban niya ako ng kaibigang masasandalan ko hanggang sa huli.
Madaming namamatay sa maling akala. Huwag ka na lang mag-akala upang hindi ka mamatay. Ngunit ako'y nag-akala at sa kabutihang palad ako'y humihinga pa rin. Akala ko, siya'y masaya sa mundong punung-puno ng makamundong bagay na kanyang ginagalawan. Nguni't ako nagkamali. Tama nga bang ako'y nagkamali?
Nagsasawa na akong magkamali ngunit hindi maiaalis sa mundo na lahat ng nilalang ay nagkakamali. Alam kong may mali, talagang may mali sa akin. Sa aking ikinikilos, hindi ako kumportable. Waring hindi ako ito. Hindi talaga. Kailanman, hindi ko inalis sa aking isipan ang mga positibong posibilidad. Ito na lang marahil ang nagpapalakas ng aking loob upang talagang sumuong sa mundong aking piniling galawan.
Mundong hindi ko alam kung dapat kong ikatuwa at ipagmalaki o panghinayangan dahil sa kahirapang aking dinadanas. Salamat sa kaibigan na alam kong hindi mang-iiwan hanggang sa huli. Unang taon sa hayskul, siya'y aking nakasama. Huling taon sa hayskul. At limang taon sa kolehiyo. Pati sa hinaharap kami na ang magkasama. Hanggang sa kami'y umasenso sa buhay naming pinili. Hanggang sa pagtanda, sana'y magkasama pa rin kami.