Tuesday, October 19, 2010

Lihim

            Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ang lihim na pagtibok ng akin puso. Maaaring kakornihan lamang itong aking sulatin ngunit ito ang nais iparating ng pusong umaasa. Pusong sabik sa haplos ng iyong puso. Pusong umaasa na sana'y iyong mapansin. Mali ang iniisip ninyong lahat kung kanino nakalaan ang liham na ito. Sadyang ako lamang at wala ng iba ang nakaaaalam kung sino ang lalaking iyon.Siguro matapos kong maisulat ang liham na ito, aking kayayamutan ang aking sarili at ako'y hahalakhak ng napakalakas sa isang kainutilang aking ipinamalas. 

Monday, October 18, 2010

Tubig.

              Tubig, ito ang nagbibigay buhay sa bawat nilalang sa napakalupit na mundo. Tubig ang humuhupa sa ating mga tuyong lalamunan. Tubig ang nagpapalinis sa ating maruruming katawan dulot ng maruming kapaligiran. Tubig ang naglilinis sa ating mga kasalanan.
            Ang tubig ng buhay, ito'y napakahalaga sa atin, ngunit tila ito pa ang magwawakas sa ating mga buhay? Sino ang dapat sisihin sa mga delubyong dumaraan sa ating bansa? Ako, ikaw, siya? Sino? Ang pagdudunung-dunungan sa mundo ay nakamamatay. Mas mainam na ika'y matawag na isang mangmangan kaysa maging balakid sa binabalak ng iba at baka ang isa mong paa ay nasa bingit na ng hukay.
               Hindi ba natin kayang pangalagaan ang Inang Kalikasan? Tayo ngayon ang nagbabayad sa ating kapabayaan? Paano na ang susunod na henerasyon na walang kamalaymalay sa ating mga kasalanan? 

Sunday, October 17, 2010

Saan?

            Ang tadhana ay sadyang mapaglaro. At ang kanyang paboritong laruan ay ako. Pagbabalat-kayo, iyan na ata ang aking abillidad. Sa likod ng mga matatamis na ngiti at halakhak, nakakubli ang mga luhang naipon na hindi kayang iluha sa harap ng madla o kahit sa harap lamang ng salamin. Manhid, ang katangiang nagtatago sa aking kalooban. Sa dami ng emosyong aking nararamdaman, tila wala na akong maramdaman dahil sa sobrang sakit, sobrang hapdi, sobrang lungkot, at sobrang saya ko. Hindi ko na maintindihan ang aking sarili, saan na ba ako lulugar sa mundong ito? Isang malaking tanong sa aking kamangmangan. Sa aking kamangmangan, hindi ko kayang sagutin ang napakadaling tanong. Sa unang sulyap, maaaring madaling tanong nga ito, ngunit habang lumilipas ang mga buhangin ng oras, ito'y unti-unting sumisira sa aking isipan at damdamin. Patuloy sa panggugulo ng aking diwa na ang tanging nais lamang ay maging mapayapa.
            Ang mga kaibigan ay kayamanan. Kayamanang dapat naman talagang pag-ingatan. Noong una ay pawang mga batong pinulot sa lugar na hindi pamilyar sa ating paningin. Mga bato na naging makikinang na dyamante sa paglipas ng panahon. Sa init ng apoy nahubog at nakurba ang napakagandang dyamante. Apoy na nagsisilbing panahon, mga pagsubok at masasayang alaala na nagpatibay sa samahan. Ngunit hindi lahat ng bagay ay kaya mong sabihin sa iyong kaibigan.
            Mga problema, sinasabi nilang nagbibigay kulay sa ating mga buhay. Kulay na magiging matingkad kung ito'y ating paghuhusayan. Mga kulay na ating makikita sa kalangitan kung ang paraan ng pagkukulay ay ating paghuhusayan.